Wednesday, April 06, 2005

Magpapaalam na pala ako sa iyo..

Ikinalulungkot ko na sa tagal ng ating pagsasama ay kailangan pang dumating ang pagkakataon na ito. Hindi ko rin inaasahan - hindi ko hinintay. Akala ko'y hindi na mangyayari. Matagal tayong nagsama, ngunit hindi naman maikakailang kulang pa rin ito. At wala na akong magagawa - at mas lalong wala ka na ring magagawa. Kailangan mo nang umalis. Kailangan na nating maghiwalay. Magpapaalam na ako sa iyo.

Masama nga ang pagkakataong ito - ngunit kailangan mo na talagang umalis.

Hindi ko malilimutan ang mga sandaling kasama kita - halos araw-araw nga e. At sa bawat lugar, halos lagi kitang kasama. Ang ating paglalakad sa corridor ng AS. Pag-jogging sa Acad Oval. Kahit ang pagkain ko ng lunch o kahit ng halo-halo lang na kasama kita sa Lutong Bahay o sa Kapitbahay ay hindi ko makakalimutan. Kahit san man ako, nandyan ka lagi. Sa mga exam, report, PE, at kahit pagtambay lang at pagtunganga kapag wala na talagang magawa - kasama kita.


Minsan, hindi talaga maiiwasang mag-iba ang ihip ng hangin at iba ang makasama ko ngunit alam mo namang mas malapit ka sa akin. Marami na kasi akong pinag-daanan na ikaw ang kasama ko - gumagabay sa aking pagtayo. Oo nga pala, ikaw ang una kong kasama nung nag-soccer class ako nang nakaraang taon pero sandali lang iyon. Alam ko kasing hindi bagay sa iyo ang sport na iyon, ngunit malaking bagay pa rin ang nagampanan mo. At ikaw rin ang una kong kasama noon kapag may Physical Training sa ROTC. Sa pag-martsa man o sa paggapang, walang mag-iiwanan. At nung sumali kami sa National Powerlifting Competition, ikaw nga rin pala ang kasama ko. Alam kong hindi mo rin nababagayan ang sport na iyon ngunit sumama ka pa rin. Alam mo kasing wala akong magagawa dahil ikaw lang talaga ang pipiliin ko. Na-'expose' ka tuloy - o mas malala, na-'exploit.'

At iyon nga pala ang dahilan kung bakit mawawala ka na. Lagi na kasi tayong magkasama. Hindi naman sa nagsasawa ka na sa akin at nagsasawa na ako sa iyo (hindi mangyayari iyon) ngunit lahat lang talaga ng sobra ay masama. Nagkulang din ako. Sumobra. Nasugatan ka. Nasira. Akala ko'y sapat na ang rugby at ibang pandikit para itago ang mga sira - pansamantala lang pala ang mga iyon. Hindi na kita pipilitin muli. Sapat na siguro ang halos limang taon na ating pagsasama, at ang iyong katapatan sa akin. Magpapaalam na ako sa iyo.

Paalam na aking sapatos.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

Powered by Blogger



get toggler @ flooble