Thursday, August 09, 2007

Oras matapos ang Oras (Time after Time)

Mag-aalas singko na pala ng umaga - ibig sabihin, kailangan ko na magmadali. Susulitin ko na lang ang kung ano man ang natapos kong aralin sa mga nagamit kong oras - at para sa mga oras na nakatulala lang ako sa kawalan - paalam na sa kanila, dahil hindi na sila maibabalik.. Kailangan na magmadali..

Pero bakit kaya?

Bakit hindi na maibabalik ang oras? Isang direksyon lang kasi ang takbo ng oras - at pantay pantay ang takbo nito. Pwede nga kayang bumalik sa nakaraan? Posible nga kaya yung "Back to the Future"? Maaari lang ito kung nakaukit na ang mga pangyayari ng nakaraan at kinabukasan, at sa atin nakasalalay ang mga pagbabago. Pero masyadong magulo iyon. Siguro kapag nagkasundo ang lahat ng tao sa mundo na bumalik sa oras, magagawa natin - pero hindi nga, dahil masyado na tayong magulo para pa gawin ang mas magulo, at lilinlangin lang natin ang ating mga sarili. Kung sa bagay, kahit na bumalik tayo sa oras, tumatakbo pa din ito. Hindi pa din natin matitinag ang oras.

Anong saya kaya ang maidudulot kung madadagdagan ko ng isang oras ang relo? Pwede ko sigurong gawing paumanhin na dalawamput limang oras ang tinatakbo ng relo ko, kaya mas madami akong oras. Pero hindi nga. Kahit ano ang mangyari, hindi ito pwedeng dagdagan o bawasan. Sa lahat ng imbensyon, talino, o ano pang kakayanan ng tao, ito lang siguro ang naiiba. Hindi ito tulad ng kalawakan, o ang kalaliman ng karagatan na maaari pang tuklasin. Ang oras ay hindi na maaari at hindi na natin kakayanin pang galawin o pakialaman.

Bakit kailangan magmadali? Hindi naman kasi nag-iiba ang bilis o bagal ng oras. Patuloy lang itong nauubos at nauubos, at wala tayong ibang magagawa dito kundi ang sulitin ang bawat segundo. Para tuloy tayong inuutusan ng oras - ang tao ay pawang mga alipin. Haha. Nakakatawa na inuutusan tayo ng oras. Ang tao, na nabubuhay sa pagmamalaki ng sarili, at pagmamaliit ng iba batay sa mga nagawa nito sa nagdaang panahon ay oras ay parepareho lang na mga alipin. Kahit na sino ka pa man, wala kang magagawa. Sasabay ka din - sasabay at sasabay lang sa hagupit ng maliit na kamay ng bawat segundo.

Walang katapusan? Kailan nga kaya matatapos ang oras? Baka kapag naubos na ang lahat ng relo sa mundo - wala na tayong batayan ng oras. Pero hindi pa rin. Wala nga tayong magawa para baguhin lamang kahit katiting nito, paano pa kaya natin maiwawaksi ang pamumuno nito? Sa pamumuno nito sa ating buhay - wala na tayong magagawa.

Nakakatawa naman pala tayo. Mga tao. Akala natin kontrolado natin ang lahat. Sa mga inaasikaso at mga pinagkakaabalahan, nagpapaka-hari tayo sa ating sari-sariling paraan. Maliit man o malaking bagay ay pinagbubuhusan natin ng lakas para maitaas ang walang iba kundi ang ating sarili. Palagi tayong may pagnanasa sa pansariling kasiyahan at kaluwalhatian. Kahit sa pakikitungo sa kapwa nating tao, umaasta tayo na parang may malaking pagkakaiba. Pero parepareho lang pala tayo. Pare parehong nasa ilalim lang ng tatlong kamay ng oras. Pare pareho din pala tayong mauubusan. Haha. Mga walang kwenta - mga kawawa. Mawawala din ang lahat. Mawawala ka din. Sayang lang.

Kung may mata at bibig siguro ang oras, o kung isa din itong pisikal na nilalang, namatay na siguro ito sa katatawa sa atin. Pero ang problema, hindi nga ito pwedeng mamatay. Hindi ito pwedeng mawala, dahil ito ang may kapit sa bawat isa sa atin. Pwede siguro natin isipin na isa itong halimaw: malupit na halimaw na hindi tayo pinakakawalan. Pwede din na tulad ng isang orc: walang maayos na pag-iisip, takbo lang ng takbo, pero malakas pa din, at madadamay pa din tayong mga walang laban at mga kawawa. Ano nga kaya? Siguro, hindi ito talaga pwedeng maging halimaw - dahil mas kaawa awa tayo nun, hindi ba?

Saan ba nanggaling ang oras? Isa din itong nilalang, pero kakaiba sa atin. Siguro, hindi ito nilalang para may batayan tayo ng ating mga kwento at kasaysayan, kundi para may paalala din sa atin ng kahinaan. Oras. Oras na para mabuhay. Oras na para magsaya. Oras na para pumanaw. Tao lang tayo. Tao lang. Baka nakakalimutan natin - haha, hindi natin pwedeng malimutan ang ating kahinaan dahil sa hindi nga nawawala ang oras. Mas nakakatawa tayo kung hinahayaan lang natin itong tumakbo at hindi pinapansin ang mas malalim na layunin nito. Anong klaseng tao ang naguubos ng lakas sa napakaraming bagay, pagkakataon, at mga tao, habang hindi pinapahalagahan ang oras? Mas malala pa siguro ang taong iyon sa relo na basag ang salamin na mukha. Ang galing dahil may nakaunawa na din ng halaga ng oras.

"The length of our days is seventy years— or eighty, if we have the strength; yet their span is but trouble and sorrow, for they quickly pass, and we fly away.

Teach us to number our days aright, that we may gain a heart of wisdom. "

Nakasulat sa Awit 90:10 at 12 (NIV). Sapat na ba ang 70 o 80 taon? Mabilis lang itong mawawala - hindi mo na kasi mapapabagal ang oras, o mababalikan ang lumipas nang panahon. Tunay nga na kailangan natin ng talino at unawa sa pagmatyag sa oras na tumatakbo, at oras na nalalabi. Sayang ang lahat kung hindi natin ito ninais. Kung gayon man, paano natin haharapin ang isang bagay na lubhang mas malaki sa atin? Lubhang mas malaki, na hindi na natin ito magagalaw at wala na tayong magagawa. Kailangan natin ng Isang mas malaki. Saan nga ba nanggaling ang oras? Isa lang din itong nilalang, at kailangan natin kilalanin ang Lumalang. Bakit kaya tayo kailangan paalalahanan ng oras? Siguro, dahil madali natin malimutan na mga nilalang din tayo, at nalilimutan natin kung bakit tayo narito. Nalilimutan natin ang lumalang sa atin. Ang tao ay pawang mga nilalang lamang - at walang karapatan na maghari sa kanilang mga sarili o anuman.

Kawawa nga ba tayo? Kung kawawa tayo, hindi siguro tayo paaalalahanan ng Lumalang sa atin. Mahal siguro Niya tayo kaya may oras. Mahal Niya tayo. Nalulunod nga lang tayo sa ating mga sariling interes, pagmamataas sa sarili, pagaabala sa mga bagay na mawawala din, at iba pa. Nalilimutan natin ang Siyang lumalang sa atin. At nariyan ang oras, marahil ay humahalakhak sa bawat pagkakamali at pagsasayang.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

Powered by Blogger



get toggler @ flooble