Friday, August 17, 2007

(Background music: Paco de Lucia by Chick Corea)


..maaari ba akong umasang muli sa langit na ikaw ay darating?? ..mistulang ika'y malapit lamang, kayang aabutin ng aking mga kamay kung maaari, ngunit iba ang sinasabi ng mga pagkakataon. Wala ka. Darating ka pa nga ba? Palagi man abangan ang tunog ng iyong pagdating..gaano pa man hintayin ang kakaiba ngunit masarap na pakiramdam ng iyong pagdating - hindi ito magiging sapat. Bakit nga ba kita inaasahang dumating? Dahil ikaw ang magbibigay ng ngiti sa aking yamot na mga labi, at ng pahinga sa aking pagod na katawan..sa gabi, ikaw ay magdudulot ng saya sa aking pagtulog..sa umaga, hindi ko na siguro maaaring bigkasin ang saya na aking madarama kapag alam kong nariyan ka. Ngunit wala ka nga, at nanatiling nakagakos sa akin ang pagod na may dalang kaunting lungkot..


Mga ilang araw kitang hinintay. Nakatingala sa langit at iniisip ka. Tinatanaw sa gabi ang paglitaw ng mga tala - marahil ay nakatingin ka din at nag-aabang - ngunit pati ang mga bituin sa langit ay hindi nagpapakita ng sigla..kung nagkataon na narito ka, hindi ko na kailangan tumitig sa mga tala. Hindi ko din naman kasi kakayanin na iwalay ang tingin sa iyo. Bakit nga ba wala ka? Darating ka ba? Hindi ko alam. Hindi mo din naman kasi siguro alam na may naghihintay sa iyo, at umaasa sa iyong pagdating.


Ngunit matapos ang ilang malulungkot na gabi, at mga araw na pinaparaos na lamang, nagbago ang panahon..ito na nga ba ang matagal na hinihintay? Pero baka hindi ikaw..baka nalilinlang lamang ako ng sariling imahinasyon, o ng mga pagkakataon at mga bagay na nagpapahiwatig na nariyan ka. Kinailangan na maging maingat..tumingin na lang muli sa langit at umasa.


Hindi pala ako namalikmata. Nariyan ka na nga! At ang lakas ng dating mo..umabot sa 250kph ang lakas ng iyong hangin. limang araw din tuloy na mawawalan ng pasok, hiwalay pa sa dalawang araw nung nakaraang linggo..salamat sa iyo, nagbunga ka ng ngiti sa aking mga labi..at ngayon, wala na namang pasok! yehey!!!


>>Para kay...Egay, at kay Dodong (o dodoy??) na din..salamat sa inyo, mga superhero ko na supertyphoon...


DISCLAIMER: Mali ang iniisip mo, walang kinalaman ang background music..at hindi senti yun..haha anlabo.. =b

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

Powered by Blogger



get toggler @ flooble